Para sa Rakista at Astig na si Roy: Isang Pagpupugay

Galing ako sa school nuong una ko kayong makita, dalawang mga mukhang ugok na nanonood ng American action film. Simpleng ‘hello’ lang ang sinambit ko, biglang nailing, na agad na umabot sa pagpapakilala. Bax at Roy ang pakilala niyo. Ito pala yung sinabi nilang mga bisita namin, buti na lang hindi masyadong matanda, hehe, sabi ko sa sarili sabay pasok sa kwarto at kunwaring nag-ayos ng gamit dahil awkward.

Di katulad ni Bax na hindi nauubusan ng adrenaline sa katawan, tahimik ka lang. Seryoso at mas mapili sa kilos. Pero hindi yung seryoso na mukhang hindi approachable. Hindi ka naman mukhang mayabang o nag-gagaling galingan. Sakto lang. Madaling pakisamahan.

Kaya naman sa humigit-kumulang isang linggo niyong paglagi sa bahay (at alam kong hindi kayo sanay na nakatengga lang), kwentuhan ng walang humpay ang ginagawa natin kasama sila Ivan, Ruel at Jon. Habang kinakain ang niluto niyong gulay na baon niyo yata, nagshe-share lang kayo ng mga karanasan na nababasa lang namin sa mga tula ni Emman Lacaba. Paulit-ulit niyong pinupunto, ‘hindi boring sa kanayunan’, alam niyo kasing iniisip naming boring ang kahit anong lugar na walang internet, walang laptop at walang mga babaeng naka-spaghetti. Kinuwento niyo sa amin ang adventure niyo dun, kung gaano kabait ang mga masa, na mahilig sila sa country songs at namamangha talaga sila kapag nakakita ng laptop. Sabi nga ni Jon, ‘Baka magmukha tayong mga milyonaryo pag pumunta tayo dun pre! Hahaha!’ Si Bax, tumalsik ang tinga sa kakatawa. Ikaw, napangiti, na-amuse. Saktong tawa lang.

Isang kwento pa ninyo e yung inutusan kayo ng mga magsasaka na gapasin ang mga palay. Kinuha niyo ang inyong mga itak (“Sobrang laki, parang espada!” sabi ni Bax), at nagtalikuran. Nanonood ang mga bata at mga matatanda sa inyong munting show, sabi niyo pa nga parang hindi kayo mga hukbo, para kayong mga payaso. Habang nagtalikuran, sumigaw si Bax ng “Kajibunshin technique!” at naghiwalay kayo, tumakbo patungo sa palayan, paekis-ekis pa ang takbo niyo, ginagaya sila Naruto. Pagdating sa damuhan, winasiwas niyo ang inyong mga ‘espada’ at kinalaban ang mga masasamang damo. Pinatumba ninyo ang mga damo, ginapas ang mga palay, at pinatawa ang buong baryo dahil sa inyong gimik!

Hindi kayo nauubusan ng kwento, marahil dahil na rin sa kabagutan sa loob ng bahay (Bawal kayong lumabas ng bahay at magpakita sa ibang tao). Tinanong kita kung ano ang balak niyo dito sa Baguio. Si Bax, magpapaayos ata ng ngipin. Ikaw naman, magpapagawa ng salamin dahil sa lumalabo mong paningin. Habang hinihintay mong magawa ang salamin sa SM, nandun ka sa bahay at nakikinig ng Back to Black album ng AC/DC.

Kaya naman nang umalis kayo, medyo nanibago kami ni Jon dahil nasanay na rin kaming kasama kayo sa bahay. Ibang experience din kasi ang makasalamuha ng mga katulad ninyo. Hindi tulad ng mga kinukwento ng mga lolo at lola natin na naabutan ang purging noong 80s, napagtanto kong tao rin pala ang mga katulad ninyo. Nag-iisip. Tumatawa. Nalulungkot. Nakikinig ng AC/DC at punk rock. Marunong  tumingin sa kung ano ang tama at mali. Hindi katulad ng mga kinukwentong ‘brainwashed, power-hungry, God-less, violence-driven’ na mga stereotype na alam ng karamihang namulat sa siyudad.

Habang binubuhat namin ang inyong mga gamit, lubos lubos ang pasasalamat ninyo sa amin. Kami nga dapat ang magpasalamat e, sabi ko sa loob-loob ko. Marami kaming natutunan sa inyo. Sabi ni Jon, ‘pag bumalik kayo uli dito sa Baguio, kita kita na lang tayo ulet.’ Sagot mo naman, ‘Bakit dito pa sa Baguio? Kami naman ang bisitahin ninyo dun!’ Tumawa kaming lahat. Malutong ng mga tawa ang huling nating pinagsaluhan sa isang linggo nating pagsasalitan ng kwento at karanasan.

Kaya naman ng sabihin sa akin ni Ivah ang balita tungkol sa iyo, para akong sinampal ng multo. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Bigla akong napahawak sa aking mukha, nakatitig lang sa kawalan habang naaalala ko ang iyong mga simpleng tawa at ang iyong bagong gawang salamin. Kinuwento sa amin ng isang kasama ang buong pangyayari:

Umaga daw noon, at hindi inaasahang umatake ang kaaway, kinubkob ang inyong kampo at agad kayong nacorner. Nagkaroon ng mainit na palitan ng putok. Agad na nalagas ang marami. Ikaw naman daw ay natambangan, nacorner ng ilang mga sundalo at sa panahong iyon ay alam kong alam mo na ang iyong kahahantungan. Ngunit hindi ka basta sumuko o nagpapatay na lang. Tumakbo ka, sinubukang magpasunod ng ilang sundalo upang may mapuruhan ang mga kasama. Ayaw mo na masayang ang iyong kamatayan kaya ginawa mo ito. Tinamaan ng bala ang iyong mukha, basag ang bungo. Hindi na raw makilala ng iyong bangkay, sabi nila.

Pagkabigla at hindi maipaliwanag na pagtitig sa pader din ang naging unang reaksyon ni Ruel ng marinig ang balita.

Minsan, maiisip mo kung bakit kailangan pang may mamatay dahil sa mga bagay na tulad nito. Ngunit para sa akin Roy, at alam kong para rin sa lahat ng mga tunay na nakakaintindi sa sitwasyon natin, alam naming may dahilan ang sakripisyong inalay mo. Alam kong alam mo na sawa ka na sa mga magsasakang inaagawan ng lupa, mga katutubong nawawalan ng tahanan sa isang iglap dahil sa mga ganid na mga ambisyon ng mga mining companies. Sawa ka na rin na may dinudukot, tinotortyur at pinapatay dahil lang gusto nila ng katarungan. Sawa ka na sa lipunang ang patakaran ay : “Tumahimik ka lang, wag ka na magreklamo, para peace peace tayo.” Alam kong alam mo na ang tanging paraan ng pag-usad ng kasaysayan ay tunggalian. Sa huli, pinili mo ang mga tamang taong dapat kampihan.

Hindi sayang ang iyong sakripisyo, Roy. Hindi sayang.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s