Ang Mga Kwento ng mga Supot sa Panahon ng Kalibugan, isang Pagtutuli

Agad na sinipulan ng pabalat ng librong ito ang aking mga mata nang ma-spot-an ko ito sa Bookay Ukay nitong nakaraan. Ngayong tapos ko na ang libro (minadali ko dahil mukhang hindi natutuwa ang mga magulang ko pamagat pa lang), eto ang ilang punto na napansin ko.

Mura lang magmura 

Unang napansin ko sa librong ito ay ang walang habas nitong pambabarubal sa mga panuntunan ng gramatika, pormalismong pampanitikan, Values Education at ‘progresibong panulat.’ Namumutiktik sa mura at mga tinuturing na bastos na salita ang mga kwento mula sa front page hanggang sa pabalat. ‘Angas’ ang nagsisilbing diesel ng mga humaharurot na kwento dito.

Halata nga namang hindi pangmatanda (ewan ko lang kung pwede sa bata. hehe) ang mga kwento dito dahil sinusubukan nitong durugin ang maraming mga tinuring nang unbreakable rules sa tamang-asal at paggawa ng panitikan. Maraming kwento si Dekki Morales na hindi mo alam kung bakit pa niya kinuwento o parang walang point. Hindi plot-oriented ang karamihan ng mga kwento, parang pangkatuwaan lang. Ang isa pang kapansin-pansin, bagamat ang setting ng mga kwento ay kadalasan sa mga area ng maralitang tagalungsod at sa PUP (na tinuturing ng marami na Poorman’s University of the Philippines), ang mga tema ng naratibo ay hindi malalim, hindi pa-intelektwal, minsan nga ay cheesy pa, kumbaga ay ‘chill-chill’ lang. Salitang kanto rin ang mga ginamit. Si Nante Ciar ay tumatalakay ng mga mabibigat na topic, pero dinadaan ito sa paraang pabiro, mala-tambay ang tono, na siyang nagpapaigting sa dialectiko ng ‘seryoso’ vs ‘joke time’. Samakatuwid, sa tingin ko ay parang mas tinutumbok ng libro na mapatingkad ang ‘form’ nito kaysa sa ‘content’. Hindi iba ng kwento ni Dingdong at Marian sa kwento ng mga gangsta sa mga iskwater’s area. Nag-iisip din ang tambay at mga tinuturing na kuto ng lipunan. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng pagtapik sa ‘lenggwaheng iskwater’ bilang porma ng diskurso, naghahatid ang mga obra dito ng mensahe na ‘handa nang mag-aklas ng mga pinipi ng burgis na lipunan.’

Ang Boses ng Subaltern

Pinoblema na ni Gayatri Spivak ang tanong na ‘can the subaltern ever speak?’ Sa isang atrasadong bansa tulad ng Pilipinas, nananatiling labas sa kontrol ng estado ng maraming sosyal na mekanismo sa mga slum/ squatter area. Maaari nating ituring na subaltern ang mga taong nabubuhay sa mga geopolitical na area na ito. Binobrotsa lamang ng estado ang mga slum para mawala ang kanilang kapangitan, ngunit nanatiling labas sa hawak ng gobyerno ang mga karahasan, kagaguhan at iba pang mga bagay na kaakibat na ng salitang iskwater. Sa librong Ang Mga Kwento ng mga Supot, pinatunayan ng mga manunulat na mayroon pa ring boses ang subaltern. Bagamat sinasabi ng mga manunulat na target nila:

…yun mga dine-politicize na ng kanilang panahon gamit ang putang inang entertainment at mass media. Sila na dinaya ng kanilang paligid tungkol sa mga totoong nangyari. Sila na para bang mga wala nang pakialam o ayaw nang makisangkot kasi nakakaramdam na ng kawalang kapangyarihan (powerlessness).. Sila na ang tingin ay may malaking gap sa pagitan nila at ng lipunan kaya wala ng pag-asa pang masagot pa ang mga dati ng problemag paulit-ulit lang…

…masasabi kong ang epekto ng rebelyong pampanitikan na ito ay hindi lang maikukulong pabalik sa mga ‘subaltern’. Napayanig rin nito ang mukhang matibay na mga institusyon ng moralidad, kaayusan at kapayapaan sa pamamagitan ng pagsigaw nila ng kanilang presensiya sa isang lipunan na pilit iniisip na hindi sila nag-eexist.

Sa huli, ang pinakamagandang bagay na masasabi ko dito ay ang malaking pag-unlad na ginawa ng mga manunulat sa representasyon sa mga maralitang taga-lungsod. Sa karamihan ng mga indie movies ngayon. tila staple nang setting ang mga slum area. Halos lahat na lang mga indie movies, may kinalaman sa kahirapan. Ang nakakalungkot dito, naging programa na ata na ipakita ang ‘hirap ng buhay’, ‘kagutuman’ para kaawaan sila ng mga burgis at mga mahilig mag-charity para itago ang pambababae. Sa ganitong uri ng representasyon, ang mga urban poor ang mga bida sa tinatawag nating ‘poverty pornography’, o yung mga pagpapakita ng sobrang kahirapan upang magpaawa. May sinabi si Fredric Jameson tungkol dito. 

Walang ganito sa Ang Mga Kwento ng mga Supot. Ang mga tauhan dito ay mga simpleng tao na may mabibigat na problema ngunit nananatili pa rin ang ego at identidad. Bagamat alam ng mga tauhan sa mga kwento ang kanilang mababang pwesto sa lipunan at limitadong kapangyarihan, pinapakita pa rin ang natitirang armas ng mga taong ito sa panahon ng ‘kalibugan ‘: ang ‘angas’. Paborito ko dito ang tula ni Nante Ciar na “Maria Aurora, Aurora.”

Sa aming baryo sir!

Maraming mga taong tahimik na namumuhay.

Sa aming baryo sir!

Ang mga tao ay marunong gumalang at rumespeto.

Sa aming baryo sir!

Ang mga bulaklak ay namumukadkad nang kay yumi’t kay ganda.

Magpapatuloy ito hanggang dumating ang pangalawang stanza:

Sa aming baryo sir!

Marami ng taong nagsisilikas para isalba ang kanilang buhay.

Puputok ang galit ng persona dahil sa militarisasyon at pang-aabuso sa kanilang lugar hanggang sa umabot ito sa dulong linya:

Nagkaganyan ang aming baryo 

Dahil sa inyo sir!

Ang pagsasabay ng ‘paggalang’ at galit ay isang napakatinding emosyon na nangingibabaw sa librong ito. Hindi na ako naghanap ng swabeng mga transition at malinis (refined) na story telling. Sa kabuoan, sapat na ang mismong presensiya ng librong ito upang patunayan ang buhay na galit ng mga maralita sa kalunsuran, ika nga nila.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s